emosecrets

Wednesday, December 05, 2007

Change is inevitable.

Bakit ba napaka-drama ko? Ayoko ng ganito. Hindi ako emo. Hindi naman kasi talaga. Ngunit nagkaroon ako ng label na emo noong high school. Hindi ko alam bakit eh. Emo daw ako. Pero tinatanggi kong emo ako. Kasi hindi naman talaga ako emo. Yun ang alam ko. Ano ba ang naging basehan nila? Hindi naman ako nakikinig talaga ng emo music. Alam kong hindi emo yung pinapakinggan ko, pero sabi nila emo daw. Ano kaya yun? O baka madalas nila akong napupuna na nakikinig ng musikang hindi nila alam, tipong mala-rock genre. Madalas wala sa mainstream. Nasa ikatlong taon ako ng high school nun, hindi pa nila talaga kilala ang My Chemical Romance, The Used, at kung ano pa mang banda na hindi naglaon ay sumikat na rin at naging mainstream. Marami na ring nagkagusto sa musikang pinapakinggan ko noon. Siguro nasabi rin nilang emo ako dahil madalas akong mag-rock on sign pag nagppicture taking ang seksyon namin, may kasama pang one-sided bangs. So, emo na yun? Hindi. Para sa akin, hindi. Pero para sa kanila, oo. Pero hindi talaga emo yun eh. Sa tingin nyo? Hay nako. Basta alam ko hindi talaga.

At naaalala ko, sobrang ayoko ng hiphop at rap nun. Sinusumpa ko 'yung genre na 'yun noon. Kasi naman, ang pinag-uusapan lang nila dun, pera, babae, kasikatan nila, yaman nila, pera, pera, babae, babae. Sa tingin ko, walang kwenta ang pinagsasabi nila 'dun kaya sobrang ayoko siya. Maliban na lang sa iba gaya nila Usher, Alicia Keys, Black Eyed Peas at Pussycat Dolls. Marahil nakapagtataka na ayoko ng hiphop noon kasi sumasayaw ako. Ano pa bang sasayawin ko noon kundi hiphop? Nagbe-break dance rin ako nun. Ironic nga e.

Hanggang ngayon, ganun pa rin ako. Ayoko pa rin masyado ng hiphop, lalo naman ang rap. Pero mas napalawak naman ang pakikinig ko sa hiphop. Unti-unti na 'ring nanunumbalik ang pagkagusto ko sa kanya. Napagtanto ko kasi na hindi naman pala lahat ng hiphop na kanta, walang kwenta. Nagugustuhan ko rin sya dahil sa beat niya. Yun tipong napapasayaw ka. Hehe. May mga iilan lang talaga na hindi ko trip. Ganun naman talaga dba? Kanya-kanyang trip.

Hanggang ngayon, mahal ko pa rin ang pagsasayaw. Namimiss ko na nga sumayaw kasama 'yung mga kasama ko noon. Namimiss kong mag-practice at ma-frustrate sa pagsasayaw. Alam ko kasi na hindi ako magaling, pero napagtanto ko rin na, siguro nakikita nila na mayroon akong talento dun kaya pinipilit nila ako na laging sumali sa kanila. Gusto ko makita ang sarili kong sumayaw ulit, baka sakali nag-improve ako. Namimiss ko rin ang sumasakit ang ulo ko dahil sa paghe-head stand at ang sumasakit ang buong katawan dahil sa hindi magawang freeze at patuloy na nahuhulog. Buti hindi ako nabalian ng buto. Masaya naman kasi matutong mag-break dance. Wala sa mukha kong nagbe-break dance ako noh? Hehe. Hindi naman ako magaling. Kaya ko lang ang head stand, baby freeze, six-step at toprock. Kumbaga, yung mga basics. Pero sobrang hanga ako sa mga totoong breakdancers. Kung makikita mo sila, akala mo ang dali-dali pero pag ikaw na ang gumagawa, sobrang hirap pala. Tapos habang pinapanood mo sila, akala mo parang wala na silang buto sa katawan.

Maraming nagbago, marami ring nanatiling ganun pa rin. Hindi naman ako nagbago talaga e. May mga ilan lang na bagay sa 'kin na nagbago pero para sa ikabubuti. May mga ilang bagay na naging malabo para sa'kin at hanggang ngayon, hinahanap ko pa rin yung bagay para makapagpalinaw dun.
Kagaya na lang ng ibang parte ng sarili ko, may mga bagay na sadyang hindi ko maintindihan. Nasa stage lang siguro ako ng pagbabago, ng patuloy na pagkilala sa sarili ko. May ilang bagay pa rin sa sarili ko na nawawala, hanggang ngayon, patuloy ko pa ring hinahanap iyon at pinupulot. Unti-unti na ring nabubuo at may mga panibagong parte na nabubuo sa puzzle ng buhay ko. Mga parte na mas maliwanag, mas maganda, mas nakabubuti.

Dati kasi, madilim ang mundo ko. Ikinulong ko ang sarili ko sa pader na ginawa ko. Hindi ko hinayaang may makagambala sa mga pader na iyon. Hindi ko hinayaang may makapasok sa mundo ko. Isang mundong mas malalim pa sa pinakamalalim na katawan ng dagat sa buong mundo. Hindi, sobra naman yata 'yun. Hehe. Ang sinasabi ko lang, isang mundo yun na hindi nakikita ng mga tao. Kumbaga, isang parte ng sarili ko na sarili ko lang ang nakakakita. Isang madilim, malalim at malungkot na mundo. Pero noon yun. Maliwanag na siya ngayon, may kaunting parte pa ring madilim, pero mas nangingibabaw ang kaliwanagan. Masaya na rin, pero may kaunti pa ring kalungkutan. Hindi naman nawawala yun e. Hindi lang nagbago ang kalaliman ng mundo ko. Siguro may parte lang na mababaw, may parte na mas lumalim, meron naman ding ganun pa rin. Parang dagat. Kaunti pa lang ang mga taong hinayaan kong makapasok sa mundo kong iyon. Ultimo nanay at tatay ko, hindi pa sila masyadong nakakapasok dun e. Nasa mababaw lang silang parte ng dagat. Pero balang araw, pag handa na ako, kaya ko na ipakita yung mundong akong ako.

Kayo, medyo nakikita nyo yung mundo kong iyon. Sa totoo lang, nakikita nyo talaga eh.

Hindi ko pa rin masyadong masagot kung sino o ano ako sa ngayon. Balang araw, malalaman ko ng buo. Matagal pa 'yun. Pag nalaman ko na anong dahilan ko sa mundong ito, nagampanan ko na ang dapat kong gampanan, nagawa ko na ang dapat kong gawin, nakapagbago ako ng buhay ng isang tao at kung ano pa man nag meron sa buhay, malalaman ko na nun. Siguro. Matanda na 'ko nun. Pwede na 'ko mamatay pag nangyari yun. Patuloy tayong nabubuhay dahil may mga bagay tayong kailangang tapusin at gawin. Kaya pag nangyari nga 'yung mga bagay na iyon sa 'kin, pwede na akong mamatay. At masaya akong mamamatay dahil nabuhay ako sa mundo nang may kahulugan.

Pero matagal pa 'yun. Mahaba pang daan ang lalakbayin ko. Masaya akong nabubuhay ako.

Hahanapin ko pa rin talaga anong meron at bakit ganito kalalim ang pinagsusulat ko ngayon. Hehehe. :)

Labels: , , , , ,

0 Comments:

Post a Comment

<< Home